Wednesday, October 12, 2011

MANYIKANG PAPEL


Aking paglaki'y maraming paglalaro
Sa ilalim ng buwa'y tagutaguan
Tayaang may langi't lupang biro-biro
Nagtatampisaw sa pinatak ng ulan

Hindi ako humawak ng mga manyika
Ngiti lamang ay matigas, walang buhay
Kagandahang taglay sa mata'y dalita
Ng batang walang malay nang nahahalay

Ang pagsulat ko'y hugot ng inspirasyon
Mga alon ng pagtibok aanurin
Huhuli ng pantig na may paglalayon
Takbuhan, habulan ng mga damdamin

Walang katiting na nasa ang pumantig
Para lamang tumula ng bahaghari
May sinag na bumubulag, kinikilig
Pagdaka ng nasabik na pagwawari

Baldado nang makatula't makasulat
Isang bersiyon ng manyikang nahubog
Sa makataong damdami'y nasasalat
Hawak ang panulat na gustong sumabog


--09/08/2011--

No comments: