Makatlong beses akong nag-ikot sa tindahan ng sapatos sa isang department store sa Ayala. Pangatlong department store na ito na aking ginalugad para makahanap ng sapatos na sasabay sa lakad ng aking mga paa. Minsan na akong nahumaling sa sapatos at itinigil ko na iyon matagal na. Ngayon, nanunumbalik ang aking kahunghangan sa paglalakad ng napakarami mahanap lang ang sapatos na sukat para sa aking mga paa.
Hinahanap ko ang isang sanaysay na misang isinulat ng aking kaibigan tungkol sa sapatos at pag-ibig. Pinadama niya sa akin kung paanong ang pag-ibig ay tulad ng pagsusuot ng sapatos. Ito ang ilan sa mga ideya ng kanyang sanaysay ayon sa aking pagkakaalala:
1. Matatagpuan mo ang sapatos na pagkaganda ganda ngunit hindi naman kumportable ang iyong mga paa. Masakit ito kapag iyong nilalakad. Tila pag-ibig, gwapo siya o maganda pero hindi ka naman masaya. Okey lamang siyang ipakita sa mundo pero hindi ka talaga masaya na siya ang kasama mo sa pag-ibig.
2. Perpekto ang sapatos at ito ang paborito mo sa lahat ng sapatos na naisuot mo na. Ngunit dahil ito ang parating mong ginagamit, napupudpod na ito. At kahit napupudpod na, masarap pa rin ilakad ang sapatos na ito. Nagagawa mong dalhin ito sa iba't ibang lugar. Hanggang isang araw ay nasira na ito at hindi mo na talaga maaring abusuhin. Wala na, wala na ang sapatos. Parang sa pag-ibig, may kapaguran din kung aabusuhin mo ang paborito mong mangingibig.
3. Sa isang department store ay may nakita kang sapatos. Gustong gusto mo ito dahil eksakto ito sa iyong paa, masarap ilakad nung minsang sinukat mo ito, at gusto gusto mo ang disenyo. Ngunit hindi mo binili sa unang beses na hinaplos mo ito dahil sa pag-aalinlangan- agam agam na baka may makita kang hihigit pa rito. Kaya't pinag-isipan mo nga muna ng isang linggo. Pagbalik mo ay nawala na ang sapatos, iba na ang nakabili. Tila pag-ibig yan, eksakto na ang lahat ng pagkakataon ngunit ang puso mo ay may alinlangan. Kung kailan naisip mo nang kunin, nakuha na pala ng iba.
Ang sapatos, tsinelas o sapin sa paa ang araw araw mong kasama kahit saan ka man magpunta. At sa bawat yapak nito, may dala itong aral o di kaya paghahambing sa pag-ibig at buhay na kapupulutan mo ng mga aral o kahit man lamang magagandang konspeto.
Kung si Rizal ay may anekdota sa kanyang tsinelas. Ako naman ay minsang nagsulat ng ukol sa paghihirap kong makahanap ng sapatos na pinamagatang 81/2. Ang sukat kasi ng aking paa ay minsan8, minsan 8 1/2. Mahirap makatagpo ang isang sapatos na sakto sa aking paa. Tila isang pag-ibig, mahirap makatagpo ng pag-ibig na aakma sa akin.
Napakaraming oras na ang aking iginugol sa paghahanap ng sapatos. Ngunit hindi naman ako susuko basta ang nais ko lamang ay madadala ako ng aking sapatos sa mga nais kong marating. Nais kong ang aking sapatos ay hindi ako papasakitan sa bawat hakbang ng aking mga paa. Hindi ako mapapagod sa paglakad upang makapili ng sapatos.
At kung sa pag-ibig man ay mapagod na, nais kong kahit man lamang sa mga susunod na sapatos na aking aangkinin ay mapapangiti akong muli sa mga paglakad, mga pag-akyat, mga pagtakbo, at bawat paghakbang ng aking paglalakbay.