Sunday, October 31, 2010

si ineng sa kasilyas

sa loob ng kasilyas, ikaw lamang at ang ang apat nitong dingding ang nakakaalam.
papalapit na siya
matipuno ang tindig
awra'y nakaaaya
ako'y napa-iibig

diwa nga ay nagsalsal
sa tuwing magsarili
gawain n'ya sa kural
sinong magkapagsabi?

mapangakit na libog
nakatitig at mahalay
babaeng maalindog
pumapawi sa lumbay

isipa'y nanaghoy

habang sya'y naka-upo
palikurang maamoy
ano ang sinusugpo?

sinong nakakaalam
kundi apat na dingding
sa kwentong malinamnam
sila ang magdadaing

ang lihim ng kasilyas
sa kanya ay panimdim
itinatagong lihim
sa'yo, ito ay hiyas

Thursday, October 28, 2010

V: Bella

Siguro nga'y epekto'y naging malaki
Mga tinuro'y sadyang hindi kukupas
Kahit na sabihin pang wala nang paki
Mga nakasanayan ay di lilipas

Sa akin ngang pagpikit upang mag-isip
Kung tama ba o mali aking gagawin
Mapag-alalang mukha ay masisilip
Maari mong sabihin ang didinggin

Itong mga plano na isasagawa
Isang pikit lang ay aalalahanin
Kung paano mo saguti't isagawa
Ang pagtahak sa ilog na babaybayin

Siguro'y kahit pano ika'y natatak
Sa utak at pusong nabasag, nasawi
Magpapatuloy ng may lakas at  batak
Kahit ano pang unos di mahahawi

VII: Na Naman

paulit ulit
tila makatotohanan
lalakbayin mo ang oras
na pagkahaba haba ngunit
ang makatotohanan
isang oras ka lamang naidlip

muli't muling
magpapakatotoo nga ba?
mararamdaman mong muli
ang sarap at pagkatanggap
masakit, tila totoo
ang kahibangan galak
tangan ng magulong panaginip

IV: Pulubi't Awa

Nanlilimos lang ng pagtingin at oras
Sa pagsinta ng sinisintang nalaos
Sana'y di naglaon pag-irog na wagas
Pag-ibig niyang sana'y hindi natapos

Kung sa bawat oras n'yang aking hihingin
Saglit lamang at pilitang ninanakaw
Dinarasal kong sana'y man lamang dinggin
Muli kami ay sa pag-ibig magsayaw

Muli sana'y dating kami'y manumbalik
Sa pag-ibig kong matinding naghahangad
Na maulit muli kanyang mga halik
At pagmamahal nya'y maulit, lumantad

III: Pagsilip

Mula sa 'sang masarap na pagkahimbing
Mamulat sa 'sang pamilyar na umaga
Naliligiran ng pamilyar na dingding
Paggising sa isang pamilyar na uga

Halimuyak ng yosi ang naaamoy
Sa umagang iyo nang nakasanayan
Mga takatak sa keyboard, tuloy tuloy
Mga daliring malaya sa tulaan

Sa'yong noo'y may matamis na halik
Pagkakataong akala'y 'di na maulit
Sinong mag-aakalang ito'y babalik
Maaari bang ito'y aking masulit

Kay sarap na muli't muling mahahagkan
Ng mga bisig na tangan ay ligaya
Ng 'sang pag-iirog na s'yang nananahan
Sa dalawang puso't diwang nagsasaya

Habang nagpapakabusog sa agahan
Na inihanda ng may pag-aalaga
Mahinahong suliti't ika'y manahan
Sa sandaling minsan, sana'y mag-aruga

Mula sa pamilyar na umagang matamis
Pagdilim ng langit ay muling susuklob
Sa pag-ibig na kagulat na kay bilis
Nagkatotoo nga ang pusong may kutob

Sa 'sang panaginip muling nakasilay
Pag-gising mo'y narito na't may paghalik
Mamulat sa pangarap, muling mapilay
Sa kahapong kailanmay 'di na babalik

Akala'y paggising ay katotohanan
Kay ganda ng panaginip na may buhay
Sana ay hindi na muli pang nilisan
Sa aking reyalidad na lang humalay

Paulit ulit ikaw nga'y mabubuhay
Sa panaginip na inaasam asam
Muli't muli ka rin namang mamatay
Sa katotohanang di naman manamnam

Wednesday, October 27, 2010

II: Tulala

Habang ang diwa'y malayong naglalakbay
Sa masukal na kalungkutan ng pusong
Piniling manahan sa casa de lumbay
Sarili ay pagdadamutan ng tulong

Mananahimik at luluha na lamang
Doon sa marumi at madilim na sulok
Maghihintay habang tulala sa parang
Nagninilay sa sakit na di maarok

Nagtataka sa sinapit ng inibig
Ng pag-ibig na nabulag  ng pangarap
Kasinungalingang humalik sa bibig
Bumuo ng sariling mundo sa sarap

Diwa'y ngangata lamang ng mga tula
Pusong nasadlak ang pag-aalayan
Pusong tuluyang namanhid at tulala
Diwa'y hihintayin sa anumang tangan

I: Tigang

Ayan, wala man lang akong maisulat
Puso'y wala man lamang maisiwalat
Itong kaulungkutan na tanging nagbuhat
Hapdi at katigangan na bumabanat

Iyong puso'y muling masanay turuan
Na maging manhid sa iyong kalumbayan
Maging malakas sa mga kasawian
Magpakatatag, matibay, manindigan

Tapusin na ang iyong pangungulila
Sa pusong sa iyo ay nagkasala
Tumigil, manawa sa'yong pagtulala
Bulag na paghiling sa'yong mga tala

Hayaan na maging manhid, isang bato
Sa mga potang emosyong magtatato
Ng kasawian ikaw nga ay matuto
Ito'y palaging sa sarili'y ikwento

Friday, October 8, 2010

pagbabalik mo

Unos sa pusong may pag-aagam agam.

Pagtibok nitong puso 'y kay bilis naman
Kay daming kwento, iilan ang tagpuan
Kaylan nga, mata mo'y huling nasilayan
Balisa na muling ikaw'y mahagkan


Pagkagulat ng mga matang gulat.

Iyong mukha sana'y di pa nagbabago
Upang sinanay na haplos, di mabigo
Tinig kaya saki'y muling magtatago
Sana'y muling umalingawngaw, mang-gago


Tunog ng pusong natakot, naduwag.

Sa'yong dibdib na minsang pinagnasaan
Puso mo't pagtibok aking pinakinggan
Tayong dalawa pala'y nagkaduwagan
Muli nating pagyakap, pagbabalikan


Tahimik na ang pusong nagambala

Bawat tibok tuluyang nang lumalaya
Sa agam agam, takot, at pandaraya
Sa pag-iirog at nasang nahihiya
Sumanib na ang tibok sa ating saya

Monday, October 4, 2010

Naglilibog Na Apoy

Pagsasayaw niya'y tunay na maalindog
Diwa'y talaga namang libog na libog
Sa babaeng mainit ang paghahandog
Ng pang-aakit ng mahinog na hubog

Aking pagnanasa'y kinamumuhian
Pang-aangking aking pinagnasaan
Kahit batid na ito ay kasawian
Pag-aasam sayo'y pinanggigilan

Sa pagmamasid ako ang 'yong isipin
Malasawang diwa iyo nang paliparin
Kanyang titig ay huwag mo nang sisirin
Sa akin ibuhos ang 'yong pag-aangkin

Iyong pagtitig sa kanya'y pano kaya?
Titig niyang sa titig mo'y di makalaya
Mahaplos lang s'ya, itaya kahit barya
Pagseselos kong galit na ang nagyaya

Sa mga damdamin di ka natitigang
Puso mo nga'y  nilubos ang kagalakan
Sa alindog na iyong nais makamtan
Pangbubuyo'y walang pag-aalinlangan

Nakaaawa 'tong nagninilay nilay
Puot at pag-iirog na hinahalay
Ng paglilibog na siyang bumubuhay
Sa pagngata ng tulang sa'yo ay alay

May pagngangalit sa iyong pagnanasa
Sa alindog na iyong tinatamasa
Libido mong hindi mabigyan ng lasa
Sa muli mong pagbalik 'di na aasa

Sayaw n'ya para sayo ay maalindog
Diwa'y sinindihan ng matinding libog
Ng babaeng mainit na naghahandog
Nang-akit gamit ang mahinog na hubog

Saturday, October 2, 2010

Nag-aapoy Na Libog

Apoy ang kanyang alindog. Sa iyo ay nakapang-aakit at nakabubuhay. Sa akin ay nagpapamuhi at nakakamatay.
Nagsasayaw siya sa iyong harapan. Inaakit ka ng bawat kembot at unti unti kang hinahatak ng kanyang alindog. Libog na libog ang iyong diwa sa mga bagay na maari mong sabihin sa kanya. Ang tulad mo ay walang sasabihin malaswa o pambobola ngunit mahahalina ang babae na siya pang gagawa ng paraan para makasama ka sa nag-iinit na kama kahit sa isang gabi lamang.

Nandirito akong walang kapag-a-pag-asa sa aking pagnanasa sa pang-aangkin sa iyo. Iniisip kung paano mo pinapanood ang mainit na paglalaro at pagsasayaw ng isang imahe ng babaeng nakatitig sa iyong pag-titig. Hindi ka na akin at batid kong hindi ka na magiging akin. Kaawa awa ako sa aking sarili dahil alam kong wala akong kahit gasinong karapatang mamuhi sa babaeng hindi ko alam kung paano ka sinasayawan at hinahatak sa pagkalibog.

Sinabi ko sa iyo na ako ang iyong isipin habang ikaw ay lumilipad sa iyong malaswang pangangarap. Ngunit sinagot mo akong hindi mo kinakaya ang alindog na bumabalot sa babaeng hindi ko man lamang maipinta ang mukha. Tanging kurba ng kanyang katawan, nakakalibog na pag-giling sa apoy, at nakapag nanasang two piece ang nabubuhay sa aking imahenasyon at wala sa lugar na pagseselos ng aking puso.

Paano mo kaya siya tinititigan? Iniisip ko ang pagkakaiba ng iyong pagtitig sa akin nung mga panahong ako lang ang sinisinta ng iyong pagsinta at ng iyong pagtitig sa alindog ng haliparot na nagsasayaw sa apoy. Iniisip ko kung paanong nagagawa ng iyong mga mata na haplusin ang kanyang baywang, suso, binti at ang buong katawan ngunit sa iyong pagbabalik, ang mga kamay mo'y hahagod sa aking pagkababae.

Hindi ka natitigang sa kahit na anong damdamin. Puso mo'y lubos na nagagalak sa anumang apo'y na lalaruin at anumang libog na papaikutin sa kamay. Mga ninanasa mo'y walang pag-aalinlangang makakamtan sapagkat kagalingan ng iyong pag-iisip ang umiiral, tamis at pait ng iyong mga katagang inuutal ang nagpapaanod sa lagaslas ng damdamin at libog, at higit sa lahat ay ang awra mong nagsasabi sa kahit na sinong babae na sila ay ligtas sa iyong piling, na sila ay nirerespeto at mamahalin sa sandaling ang iyong mga kamay ay humaplos sa nag-iinit na balat.

Sino ang nakakaawa sa pagitan ng dalawang natigang na mga puso?

Ang babaeng nag-ninilay nilay sa pagkapuot sa imahe ng babaeng nag-aalab sa alindog. Ang babaeng nagngangalit ang damdamin sa pagkarehas mula sa iyong mundog ninanais na muling mabisita. Ang babaeng nagmamahal sa lalaking wala nang nababatid na pagmamahal sa dating minsang pinag-alayan ng mga tula at pag-iirog.

O ang lalakeng nagnanasa sa babaeng mananayaw sa apoy na may kakaibang libog na tangan sa kanyang pagsasayaw.  Ang lalaking hindi matarok ang kanyang pagnanasa at hindi inaamin ang libog na binubuhay ng libido lamang. Ang lalakeng sabik sa pagmamahal ngunit kahit kailan ay hindi magagawa at matututo na magmahal at mag-alaga sa mamahalin.

 Nagsayaw siya sa iyong harapan. Hindi ko na alam kung sinayawan ka lang niya sa iyong harapan o hanggang sa kama ay sinayawan niya ang iyong pagkakalalake. Nag-isip akong malaki ang posibelidad na kayo ay nagtalik, nagsayaw sa apoy ng libog, libido at tamod sa isang gabi ng katigangan, sa mundo na minsan lamang dadalaw sa iyong buhay. Nagsulat ako ng aking pagkamuhi sa aking imahenasyon, sa aking pagseselos, at sa aking pag-iibig sa lalakeng hindi ko maangkin angkin.