Monday, March 15, 2010

isa pa

Muli na namang tumigil ang pagkabuo ng mga salita na dapat gamitin para sa ideyang nasa isip ko. Muli na naman nagtatae ang isipan ko.

Friday, March 5, 2010

pucha! praning!

Wala sa aking isipan
Hindi ko nais maniwala
Sa praning ko nang sarili
Pinilit kong naisin ito

Gago ka!

Nasa loob ng isipan ko
Pagkatakot at pagkaduwag
Paggalang sa 'yong mga gusto
Pagkaduwag sa realidad

Tangina!

Wala sa nasang maniwala
Bakit hayaan na makain
Ng Kapraningang walang kwenta
Walang patunguhang ideya

Bullshit naman!

Hindi ko man kayang tanggapin
Hina ng lalaking tulad mo
Sa mga makamundong bagay
Na aagaw sa 'yo sa akin

'Sang tanga

Ang katangahan ng aking puso            
Ang walang kwentang damdamin ko
Isang umiibig ng lubos
Kapraningang sa kanya lamang


Monday, March 1, 2010

Pagkapigil ng pagnanasa

Gusto kong magsulat ng mga kwento, ng mga tula, ng mga likha na namumula sa puso. Pero sa bawat pagtatangka ay may isang matinding damdaming bumubulag sa akin. Ang damdaming ito ang bumubulag sa akin upang makalimot at hindi makita ang mga titik at pantig na bubuo sa gusto kong maisulat.

Para akong tangang paulit-ulit sa pagtatangka. Hindi ako nawawalan ng pag-uudyok sa sarili upang isiwalat ang damdamin at diwa na palagiang gumugulo sa aking pagkatao.

Madalas ang pag-gising ko sa umaga na puno ng pagnanasang hawakan ang aking bolpen. Kasama nito ang kagustuhan na dumaloy ang mga diwa sa papel na matagal na natuyot sa ideya at puso.Ngunit ang bawat pagnanasa ay puno ng damdamin at nakukubli ang mga salitang akma para rito.

Ang isipan ko ay hindi pa natuyot. Ang puso ko ay hindi kailanman nagtago. Palagi ang pag-agos ng nasa, pag-ibig, damdamin, at dugo ng makatang hindi makatapos ng tula.

tigang (?)

Isulat mo iyong diwa
Hayaan lamang ang pag-agos
Ng isipan upang manawa
Hanggang mapagod at matapos

Isiwalat ang iyong puso
Ipakita lahat ng laman
Kahit na sa iisang bugso
Sa isip makipagsabwatan

'Tong makatang ubod sa tigang
Pilit na pilit sa paglikha
Ng mga tulang malalambing
Nang dahil sa irog ang katha

draft ng pag-ibig

Pag-ibig.

Ano nga ba ang pag-ibig?

Paulit-ulit mong maririnig sa mga nag-iibigan na ang pagpapahayag ng "I Love You" o di kaya ay "Mahal Kita". Ngunit  sa ilang beses umibig ang isang tao ay ilang milyong beses niya rin kayang sabihin ang mga kataga na ito ng pagsuyo.

Sa libro ni Ricky Lee ay tinalakay ang pag-ibig at kung paano uminog ang mundo ng mga tao sa pantasya ng pagmamahal at pag-ibig. Sinubukan nga sa librong ito na ipakita ang kahulugan ng pag-ibig.

Pag-ibig bang maituturing ang pakiramdam na gusto mo siyang makita sa pag-gising mo sa umaga. Pag-ibig ba ang hindi ka makakain, makatulog, at makakilos ng tama dahil iniisip mo ang iyong iniirog. Pag-ibig ba ang pagtitiis sa masalimuot na paghihirap kasama ang nagsasabing mahal ka at mahal mo. Pag-ibig ba ang tila paglipad sa alapaap ng tuwa at pagmamahal kasama ang taong nagdala sa'yo sa langit ng buhay. Paano ba ang pag-ibig.