Gusto kong magsulat ng mga kwento, ng mga tula, ng mga likha na namumula sa puso. Pero sa bawat pagtatangka ay may isang matinding damdaming bumubulag sa akin. Ang damdaming ito ang bumubulag sa akin upang makalimot at hindi makita ang mga titik at pantig na bubuo sa gusto kong maisulat.
Para akong tangang paulit-ulit sa pagtatangka. Hindi ako nawawalan ng pag-uudyok sa sarili upang isiwalat ang damdamin at diwa na palagiang gumugulo sa aking pagkatao.
Madalas ang pag-gising ko sa umaga na puno ng pagnanasang hawakan ang aking bolpen. Kasama nito ang kagustuhan na dumaloy ang mga diwa sa papel na matagal na natuyot sa ideya at puso.Ngunit ang bawat pagnanasa ay puno ng damdamin at nakukubli ang mga salitang akma para rito.
Ang isipan ko ay hindi pa natuyot. Ang puso ko ay hindi kailanman nagtago. Palagi ang pag-agos ng nasa, pag-ibig, damdamin, at dugo ng makatang hindi makatapos ng tula.
No comments:
Post a Comment