Friday, January 7, 2011

Inosente

Sa iyong pagtakbo dito sa lansangan
Pagkainosente sa'yong ngiti'y masdan
Sa paghabol sa jipning aking sinakyan
Itong aking puso sayo'y nagalakan

Rosaryong leeg mo ang pinagsabitan
Inabot sa imahe ng Kamahalan
Dasal mo'y ngiti ang pinanggalingan
Sa yaman ng lansanga'y mabiyayaan

Ikaw na paslit kang pinaglalaruan
Malupit nating lipunan ang kandungan
Inosenteng puso'y sana'y alagaan
Laging ngumiti kahit sa kahirapan

Nagmamahal Kahit Hapo

Doon sa may gate ko s'ya nasisilayan
Nakatanaw nang palagian sa kalye
Nakangiting maganda sa'king pagdaan
Ngiti n'yang aking nabibitbit sa byahe

Sa pag-alis nga, ako ay babatiin
Aking paglakad daw ay paka-ingatan
Minsan rin naman ako ay tatanungin
Pasaan daw ang aking patutunguhan

Nakasabay s'ya sa lakad pauwi
Isang plastik ng barbeque kanyang tangan
Barbequeng kay sarap, san kaya nabili
G'ano kalayo kaya pinagbaybayan

Ginawa n'ya 'to para sa pagmamahal
kahit sa paglakad siya'y mahapo man
Di inalintana kanyang pangangatal
Masaya siya kahit ganoon pa man

Ang tatlong stick ng masarap na barbeque
Para lang sa kanyang nag-iisang apo
Gutom na raw kasi't gusto ng barbeque
Malayo man, naglakad para sa apo

Sa ngiti ni lolang walang kasing tamis
Pagmamahal sa apo'y walang kapantay
Sa kanya nga aking lola ay namimiss
Nangangarap na sana'y di nagkawalay

Malapit nang lumipas ang isang taon
Nang ang aming lola ay biglang lumisan
Sana'y muling maibalik ang kahapon
Maulit na siya'y makita't mahagkan