Kay sarap pagmasdan ang mga bata na ngumiti sa Pasko man o hindi. |
Maliit lang jeep na nasakyan namin. Mga siyam na tao nga lang ang kasyang umupo sa isang hilera ng upuan. Kung susumahin, ang jeep ay malalamanan ng benteng pasahero at idagdag mo pa ang drayber ng jeep na hindi marunong gumamit ng preno
Isang malamig na gabi ang paskong iyon. Patungo kami ng aking ina sa bahay ng aming mga kamag-anak sa ama. Nararamadaman kong may kakaiba sa gabing iyon. Bago sumakay ng jeep, alam kong inaantok ako. Ngunit sa pagsakay sa jeep na iyon, nawala ang aking antok. Siguro dahil sa kaba. Puro kasi lalake ang nakasakay at apat lang kaming babae ang nakasakay.
Makalipas ang ilang minuto ng pag-andar ng jeep, tumigil ito at hinayaang makasakay ang isang maliit na paslit. Napatingin ako sa kanya dahil may mga sobre siyang inaabot sa mga pasahero. Nakasulat sa likod ng kanyang sobre ang “Mam and Sir Merry Christmas po, Slamat po!” Nakangiti siya at bibong bibong namimigay ng sobre at bumabati ng Merry Christmas.
Kakaiba ito sa aking paningin. Nasanay kasi na sa mga ganitong panahon, isang bata ang aakyat ng jeep at pupunasan ang mga sapatos ng mga pasahero. Kahit pa nga nakatsinelas o sandals lang, pupunasan pa rin niya ito na parang leather shoes. Nasanay na rin ako sa bus sa EDSA na may mga matanda, bata, binata o dalaga, ulila, may kapansanan o nanlilimos na nag-aabot ng sobre upang humingi ng kaunting tulong. Sa batang ito, iba ang aking nasaksihan.
Nang lumapit siya sa akin, daglian kong tinanong ang kanyang edad. Nagulat kami ng aking ina na siya ay anim na taon na. Kung makita mo kasi siya, parang dalawa o tatlong taon lang siya. Kasing laki niya nga lang ang aking pinsan na dalawang taon na. Payat din ang batang ito ngunit muka naman siyang malinis. Sa paningin ng tao, malinis siya. Isang bibong batang napapaliguan at naturuan ngunit kulang na kulang sa pagkain at nutrisyon. Makikita ng sinuman na dudungaw sa kanyang mga mata na marami na itong napagdaanan sa buhay niya sa Cubao. Mas marami pa sa mga nasaksihan ng aking mata sa mahabang kalye na iyon ng Aurora Cubao.
Naantig ang aking puso habang kinakanta niya ang isang partikular na Christmas song. Hindi ko na nga maaalala ang title ng kanta. Ang alam ko lang eto ang lyrics ng kinanta niya- “… sa twing sasapit ang pasko, namimili ang mama ko ng mga panregalo…” Kinulit niya pa ang isang lalaki na nakaupo sa pinakadulo ng upuan. Hindi ko masyadong naintindihan ang pinag-usapan nila dahil maingay at mabilis ang jeep. Basta ang aking napansin, nakangiti lang ang manong sa kanya ngunit mamumutawi ang awa sa bata mula sa kanyang mga mata.
Matapos siyang makipagkulitan sa isang pasahero, paisa-isa na niyang kinuha ang mga sobre at mga pamasko sa kanya. Inilabas niya ang bote kung saan niya ilalagay ang mga piso na magkakasya sa butas at mga papel na pera na baka sakaling matanggap niya. Isa-isa niyang hinulog ang mga pisong nakuha niya sa loob ng mineral bottle habang inaayos niya ang kanyang mga sobre. Nagulat siya sa dalawampung pisong papel na inabot sa kanya. Nakita ko na sobra siyang nasiyahan at nagpasalamat sa perang kanyang nakuha.
Dahan-dahang tumigil ang jeep sa kanyang pagbaba. Natuwa at naawa ang mga pasahero sa anim na taong gulang na bata na namamasko sa jeep na kanilang nasakyan. Inalalayan nila ang bata sa pagbaba. Nagulat at nainis sila nang makitang may kasama itong mama na tila ama niya. Sinasamahan ba siya nito o hinahayaan niyang magtrabaho at kawaan ang anak niya. Mag-ama nga kaya ang dalawang iyon?
Naisip ko na lang, ilang jeep pa kaya ang sasakyan niya. Ilang tao pa kaya ang hahawak sa sobre niyang may nakasulat na “Mam and Sir Merry Christmas po, Salamat po!”
(originally posted in http://jenniferabogadogarcia.blog.friendster.com/2009/03/%E2%80%9Cmam-and-sir-merry-christmas-po-salamat-po%E2%80%9D-2/)
Hango ito sa tunay na pangyayari sa aking buhay sa disperas ng pasko ng 2008. Nais kong ibahagi ito sa inyo at masulyapan ang isang mumunting dadamin sa pagbubukas ng pasko.
MERRY CHRISTMAS kahit November pa lang.hehe